Umarte


Manay, ang tagal ko ding nawala dito. Hindi rin naman kasi exciting ang buhay ko. Kadalasan, nasa bahay at nag-aayos lang ako ng drama script para sa TV.  Kung di ako naka-harap sa laptop, chumichika ako sa mga anak ko na nagkakaroon na  rin ng sarili nilang interes at minsan ayaw na akong samahan mag-grocery. Dati manghang mangha sila sa akin, ngayon unti-unti na nilang nadi-discover na  marami pa palang mas bongga kaysa sa Nanay nila. Hahaha. Tulad ng gangster club nila sa village, ng roblox sa ipad at adventure time sa playground. Siya, ganun talaga. Minsan nga grocery na lang at pa-foot spa ang ganap ko. Boring siya pero keri na. Ibang usapan din naman ang "keri na" na buhay.

Kaya nga natutuwa ako na minsang inalok ako ni Pam umarte para sa assignment niya sa Cinemalaya directing workshop. Parang biglang nagkaroon ng okra sa buhay kong fruit salad. Nagkaroon ng ibang texture at flavor. 

Gabi pa lang aligaga na ako dahil napre-pressure ako umiyak dahil may eksenang konting luha doon. 9am nasa V. Luna area na ako kung saan ang location. Hirap ako gumising ng 9am sa totoo lang kaya bongga na early ako sa call time. May dala akong apat na costume dahil excited ako di ba? Tatlo lang kaming involved sa short film niya kaya kami na rin ang production team--- props, make-up, set design, ilaw atbp. Ganun eh. Di naman ito Starcinema  manay.

O ayan ako o, nag-iinternalize.







Di mo naitatanong manay, passion ko ang umarte, specifically teatro. Jusme, hindi ko pinangarap maging Judy Ann Santos... i want to be an actress in its truest sense lang. Ganeern.

Manay,  nag-train ako di lang halata. Naging direktor at namuno pa ako ng theatre org noong college, na-expose at napasama sa PETA noon.  Iniyakan ko iyan at nagkaroon ako ng existential crisis dahil diyan. Sabi ko nga, kung tatanungin ako ng Diyos kung ano ang nagawa kong alam kong di ako mapapahiya-- iyon ay ang umarte. Ganyan ang labanan ng statement.

Alam ng mga close friends ko na umaarte ako noon pa at kung pinursue ko siya ng bongga baka isa ako sa mga nakikita mo na kasambahay sa TV o isa sa mga preso na bumubugbog sa bida, o kaya chismosang kapitbahay na nagsumbong sa pulis na nagtatago ang bidang fugitive sa katabing apartment.  Lahat kasi iyan nagawa ko na noon and so much more (na-rape sa talahiban? check! nabugbog ng asawa? check! landlady na masungit? check! isa sa mga asawa ng lider ng kulto? check!  multong pumapatay--check! sinakal ni Dexter Doria-- check!)

At huwag ka, minsan ang mga nakikita mong bit players sa TV iyan pa ang may mahabang listahan ng mga impressive film and theatre background. Syempre, hindi sila sikat dahil pag nasa Pilipinas ka, madalas ganda at hype muna bago talent, di ba? Alam mo yan, manay.

Manay, mabalik sa akin--- ayun na nga, nag-iba ang ihip ng hangin. Surprise! Ako na ang nagsusulat ng mga characters na ginagampanan ko noon bilang raket. Galing no? Umikot ang gulong pero hindi ko sasabihing may nasa taas at nasa baba dahil nasa iisang hugis pa rin kami... taga-sulat, taga-arte. Either or yan. Kulang na lang mag-direk din ako pero ibang mundo na siya totally.

Sa totoo lang, hindi nawala sa akin ang pagiging aktor lalo na writer ako ngayon ng soap opera.  Nafru-frustrate talaga ako at iba ang inis ko kapag napapanood ko na ang mga sinusulat ko ay pangit  at laylay ang pagkaka-interpret ng aktor sa TV. I feel wronged in so many ways. Oo, intense talaga ang feelings ko sa bagay na iyan.  At ibang iba naman ang high na nakukuha ko kapag napaka-galing ng pagkaka-acting ng artista sa mga linya at sequences na sinulat ko. Iba talaga... napapa-hallelujah ako.

Iyon lang naman, wala namang sumeseryoso talaga sa akin dahil matagal na rin akong hindi umaarte mapa-entablado, pelikula o TV.  Natutuwa ako dahil kahit naka-tiklop na ito sa puso ko, umaalab pa rin siya. At yun naman dapat, hindi ba? Yung may umaalab pa sa puso mo.



Comments

Popular Posts