Kasambahay High

Wala kaming mga kasama sa bahay ngayon.  Nagbakasyon sila pero ayaw na pauwiin ni R dahil na-imbyerna na siya. Hayun, pinagtatapon ang mga gamit nila sa sobrang inis niya. Mahabang storya pero kung naranasan mo yun ay baka itapon mo rin ang mga gamit nila in the most cinematic way possible.

So kaming apat lang. Parents at 2 junakis na hitik sa kakulitan. Sa sobrang kulit, nabaldog ang isa at pina-semento ang kamay. Normal. Maliit na bagay ika nga ni Ryza Mae. haha. May mga deadline ako kaya lalo akong usad pagong dahil ako madalas ang taga-luto. Aabot na ata ako ng isang buwan hindi pa 'ko tapos magsulat, syempre may mga kuda at revisions nang kasama doon. Pero hindi ko pa rin maisara ang pilot script.

Pero natutuwa na rin ako kasi nagagawa ko na uli mag-luto. Effort ako sa cooking department, kumpleto ako ng spices (gusto mo ng nutmeng? Bubudburan kita ng nutmeg!) at naiinis ako pag hindi matalas ang kutsilyo. Nalaman ko na ang mga binili kong kutsilyo noon ay ginawa nilang pang-tagak ng mga halaman--- banas na banas ako! Kaya nga kitchen knife, hindi sila itak. Huwag niyo guluhin ang identity ng mga kitchen knife, utang na loob, let them be kitchen knives for crying out loud. Oo, nakikisimpatya ako sa mga kutsilyong ginawang itak nang di nila gusto. Kaya ayan puro pingas sila at halatang nag-resist. Para silang mga fine arts students na pinilit mag-shift sa kursong agriculture. Mai-apply talaga ito sa totoong buhay di ba?

Bukod sa pagluluto, napapaliguan ko na ulit ng maayos ang mga anak ko. Magulo sila at para kang dumaan ng baha pag nagpaligo sa kanila pero masaya. Ano namang laban mo dun? Kaya nga itong weekend wala akong ginawang labada na supposed to be meron dapat. Daming house chores na kailangang paghandaan sa pagpasok ng lunes--- grocery, literal na labada at kung ano ano pa. Kakapagod!

Bawas na naman ang oras ko sa deadline pero at least happy naman. Lalo na pag nag-aabang ang mga anak mo na suotan sila ng sapatos, gawan sila ng gatas o samahan sila sa UP para magtatakbo. May deadline din kasi ang panahon na magagawa nila iyon sa 'yo--- na sila mismo ay gusto kang makasama. Naaks. Totoo naman. Dami nating deadline sa buhay ano? Pero sa ngayon, dun muna ako sa hindi ko kailangan sumweldo. #


  
 

Comments

Popular Posts